Tuesday, 11 December 2018

Ang Makina ni Mang Turing

(summary at maikling anotasyon)

Ang makina ni Mang Turing ay nakabase sa isang Ilustradong mula sa Pilipinas na ipinadala ng kanyang pamilya sa Madrid upang mag-aral at makatulong sa pagsusulong ng kanilang adhikain – ang pagtatatag ng kanilang bansa sa pamamamgitan ng pagtatayo ng constitusyon na naaangkop sa kanilang hinagangad na malayang republika.

Nang nakapagtapos ang pangunahing tauhan sa kanyang pag-aaral ng abogasya, pinili nitong pumunta sa Alemanya upang tapusin ang kanyang nobela tungkol sa rebolusyong Dagohoy, ang pinakamahabang rebolusyon sa Pilipinas na nagtagal nang walumpu’t limang taon. Sa kanyang pagsusulat at paglipat mula Espanya patungong Alemanya, nakilala niya ang mga taong hindi niya alam ay makapagbibigay sa kanya ng bagong perspektibo. Ilan sa mga ito ay si Kawamoto, isang Hapon na nag-aaral tungkol sa Sciencia Militar; si Rolf, ang anak ng kanyang landlord na mahilig maglaro ng chess; at si Waruno, isang taga malayong magaling maglaro ng tjonklak (sungka). Ang pagkahumaling ng pangunahing tauhan sa sungka ang nagpalapit sa kanya sa “pangangalikot” ng makina ni Mang Turing, isang makinang maituturing na rebolusyonaryo dahil may kakayahan itong sagutin ang iba’t ibang uri ng mahihirap na problema.
Ipinapakita ng nobelang ito ang isang bagong perspektibo tungkol sa pulitika, gera at digmaan, pananakop, rebolusyon at kolektibong pagbabago, pag-usbong ng teknolohiya, komunikasyon, at kakayahan ng isang kaalaman at ng isang makina. Bukod dito, naglagay din ang nobela ng maraming alusyon tulad ng mga pamosong imbensiyon at mga tao sa larangan ng agham at teknolohiya, at isa ito sa mga katangian ng nobela na hindi lamang nakapagbibigay ng aliw ngunit nagbibigay ng mga bagong kaalaman din.
Kung tutuusin, ang pamagat ng libro ay maituturing agad na isang alusyon patungo sa isang sikat na British mathematician at logician na si Alan Turing. Si Alan Turing ay kilala dahil sa kanyang malaking kontribusyon noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig, kung saan nalaman niya ang codes ng Enigma. Ang Enigma ay isang makinang gumagamit ng codes na ginamit ng pwersang Alemanya upang magpadala ng mga mensahe na walang sinuman ang nakakaalam. Maraming nagsabi na ang pagdedecode ng Enigma ay isang hakbang na lang sa pagiging imposible dahil araw-araw pinapalitan ng mga Aleman ang codes nito. Sa tulong ni Turing at ang kanyang mga kasamahang code-breakers, napigilan nila ang mga submarine attacks, at mga pambobomba.
Upang mapadali pa ang trabaho ng mga code-breakers na mga kasamahan din ni Turing, lumikha sila ni Gordon Welcher ng isang makinang pinangalanan nilang Bombe (Copeland, B.J.). Simula 1940, ginamit ang Bombe at nalaman nila lahat ng mga mensaheng ipinapadala ng puwersang Aleman. May mga nagsasabing ilan na napaikli ni Turing ng dalawang taon ang digmaan dahil sa kanyang pagdedecode.
Ilan pa sa mga kilalang kontribusyon ni Turing ang Automatic Computing Engine (ACE). Isa itong malaking hakbang sa modern computer science at nakilala siya bilang Father of Computer Science sapagkat ito ang unang makinang nagkaroon ng kumpletong spesipikasyon para makasagot ng iba’t ibang uri ng mga mahihirap na problema. Maaaring dito nagmula ang crocodilio na may kaparehong kakayahan na nakilala sa nobela. At base sa pelikulang The Imitation Game, na itintampok ang buhay ni Alan Turing, kapansin-pansin din ang pagkakapareho ng personalidad ni Alan Turing kay Mang Turing. Pareho silang mayroong nakamamanghang kaalaman, ngunit hindi naging masyadong umusbong ang relasyon nila sa mga taong nakapaligid sa kanila. Tulad ni Alan Turing, si Mang Turing ay nakita bilang eksentrikong tao na hindi sumusunod sa nakagawian.
Sa mga sumunod na kabanata, marami ring nabanggit na mga tunay at pamosong tao, bagay, lugar o knosepto sa iba’t ibang larangan. Tatalakayin ng papel na ito ang mga alusyong ginamit kabanata 3, partikular sa mga tao. Unang nabanggit sa kabanata ay ang sikat na taxonomistang si Blumenbach na nabanggit ni Rolf dahil pareho silang taga Malayo ng pangunahing tauhan. Si Johann Friedrich Blumenbach ay isang Alemang physician, naturalst, physiologist at anthropologist. Kilala siya sa kanyang mga kontribusyon sa comparative anatomy, kung saan sinuportahan niya rin ang sistema ng klasipikasyon ng mga organismo ni Linnaeus. Kilala din siya dahil siya ang nagpasikat ng terminong “Caucasian” o mga taong mapuputi at nakikita sa Europa, kanlurang Asya at hilagang Africa.
Nabanggit din sa kabanata ang isang sikat na pilosopo na si Immanuel Kant. Kilala si Immanuel Kant sa dalawang pilosopiya. Una, ang kanyang teyoretikal na pilosopiya tungkol sa metaphysics at sa rasyonal na pag-intindi ng kalikasan at ang mga nangyayari dito, at pangalawa ang kanyang praktikal na pilosopiyang nagsasabi tungkol sa etiko at pilosopiyang pulitikal base sa konsepto ng kalayaan. Naniniwala siya na ang tai ay may konsensya na nagmumulat sa kanyang gumawa ng mga moral na bagay. Tinawag niya itong “fact of reason”, at ayon sa kanya isa ito sa mga basehan upang matawag na malaya ang isang tao.
Ang sumunod na nabanggit sa kabanata ay isang Ingles na piratang si Francis Drake. Ayon kay Rolf, siya ang pinakakakila-kilabot na pirata sa kasaysayan ng Alemanya. Nabanggit ni Rolf na likas na mga pirata ang mga taga Malayo kaya ito lumitaw sa nobela. Si Francis Drake naval officer noong Elizabethan era at siya ang pangalawang tao nakalibot sa mundo sa isang expedisyon lamang na nagtagal ng tatlong taon.
Nabanggit din ang isang tenant sa Hostel nina Ralf na nagngangalang Galleani. Ayon sa datos, si Galleani o Luigi Galleani ay isang Italyanong kilala dahil sa kanyang anarkistang paniniwala na na dapat ipaghiganti ang mga martir sa pamamagitan ng paglaban sa estado, awtoridad, at sa simbahan. Nagpakalat siya ng mga propaganda tungkol dito at agad niyang nakuha ang atensyon ng karamihan na nagsiklab ng mga riot.

Sumunod na ipinakilala si Hertz bilang isang propesor ni Ralf na nagtuturo ng makabagong teorya tungkol sa elektromagnetiko at mga eksperimentong nais pag-aralan at sukatin ang ‘luz invisible’. Ang depiksyon ng propesor ni Ralf ay isang napakaganda at napakaaccurate na paglalarawan kay Heinrich Hertz, isang Aleman na physicist na nagpatunay sa pag-iral ng electromagnetic waves o ang ‘luz invisible’ na nilarawan ng nobela bilang mga liwanag na di nakikita at tumatagos sa pader. Sikat si Hertz dahil sa kanya rin ipinangalan ang isa sa mga yunit ng frequency ng mga waves. Nabanggit din sa kabanata ang ilan pang mga imbensyon dahil sa kontribusyon ni Hertz, tulad ng telegrafo at corriente electrica na nakapagpadali ng komunikasyon ng mga tao.
Ang sumunod at ang huling pamosong tao na nabanggit sa kabanata ay si Benjamin Franklin. Ikinwento ni Herr Campe, ang nagtago ng kagamitan ni Mang Turing, na mayroon siyang namatay na kakilala dahil sa kanyang eksperimento sa pag-akit ng kidlat. Tulad ni Benjamin Franklin, gumamit siya ng bakal na tinawag niyang lightning rod upang akitin at dito dumaloy ang kidlat. Dahil sa kaalaman niyang ito, naiwasan ang mga sunog na sanhi ng mga kidlat noong unang panahon. Inilahad rin dito na ganito ang panganib na pinapasok ng mga tao para lang sa siyensya at isa ito sa mga patunay na nakamamangha nga ang mga lugar at sitwasyon kung saan dinadala tayo ng ating isipan.
Malinaw na ang may akda ng nobela ay may malawak na kaalaman pag dating sa sining at agham. Dito, ginamit at pinag-asawa niya ang dalawang magkaibang larangan, at nakagawa siya ng napakagandang timpla, sapat lamang upang mabigyang pagpapahalaga ang iba’t ibang impormasyon na ito habang unti unting nalalaman ng mambabasa ang banghay at nilulutas ang mga problema sa storya.
Isa pang katangian ng nobela na nagustuhan ko ay ang pagsasabuhay ng pangunahing tauhan, sa pamamaraang lahat ng babasa dito ay mararamdaman at makikita ang kung anumang nararamdaman at nakikita ng pangunahing tauhan. Katulad natin, isa siyang normal na tao, at nakita iyon sa pag-unlad ng istorya. Sa nobela, hindi nagpakita ng mga extraordinaryong kaganapan sa isang ordinaryong araw ng mga tauhan, at para sa akin, isa ito sa mga malalakas na katangian ng nobela na pumukaw sa atensyon ko ng husto -- dahil tulad ng pangunahing tauhan, ako rin ay hamak na ordinaryo ngunit may kakayahang magbago.
Datapwat ang ating buhay ay totoong marupok, at sa loob at labas ng ating katawan ay mayroong di mabilang na bagay na ikinapagiging sanhi ng isang biglang kamatayan, na kung kakatakutan nating lahat para ng malabis na pagkatakot ng iba sa kulog, ay hindi tayo makalalakad ng isang hakbang at di tayo makagagalaw munti man na di magkakaroon tayo ng isang guniguning kasaysayan.”


Talaan ng mga sanggunian:
https://www.britannica.com/biography/Alan-Turing http://mentalfloss.com/article/503325/15-riveting-facts-about-alan-turing https://www.iwm.org.uk/history/how-alan-turing-cracked-the-enigma-code 
https://www.britannica.com/biography/Johann-Friedrich-Blumenbach https://thegreatthinkers.org/kant/introduction/ http://www.academia.edu/26538755/Luigi_Galleani_The_most_dangerous_anarchist_in_Americ a_ https://www.britannica.com/biography/Heinrich-Hertz 

No comments:

Post a Comment