Tuesday, 11 December 2018

Introduksyon

  Bago pa man dumating ang mga mananakop, nagkaroon na ng sariling panitikan ang ating bansa. Ang mga ito ay maaaring nasa anyo ng tula, mga alamat, mga bugtong, epiko, maiikling kwento, mga awitin o chants, atbp. Ang panitikan ay kahit anong uri ng pahayag na maaaring nakalimbag o nakasulat, binibigkas, o aksyon na may takdang anyo o porma (Santiago, 2007), at mula sa ating mga pinakamatatandang ninuno hanggang ngayon ay malawakan pa ring binibigyan ito ng malaking papel sa bansa. 



   Bago dumating ang mga Kastila at ang Kristyanismo, mayroon na tayong sariling wika, kasaysayan at kultura. At ayon kay Tolentino, ang panitikan ay kaugnay ng kultura, sapagkat ipinapakita nito, sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo, ang mga nakagawian at kung paano tayo nagsimula. Ikinukwento nito kung paano dumaloy ang buhay mula sa kung paano hinulma ang daigdig, mga pinakasimpleng pamamaraan gamit ang apoy at ang pagpapasto ng hayop, paglawak ng agrikultura, patungo sa mga pakikipagsapalaran sa MRT, pagpila sa fast food, at pag-aantay sa mabagal na WiFi na nararanasan natin sa komplex at modernong buhay ngayon. 


   Bukod dito, naging paraan rin ng relasyon bilang komunikasyon ang panitikan. Sa pamamagitan ng panitikan, naipaparating sa nakararami ang mga ideyolohiya, bagong siyentipika, mensaheng pulitikal, o isang kwentong naglalayon magpatawa o mang-aliw na gawa ng may akda. Ang mga mensaheng iyon ay nakabatay naman sa resepsyon ng mga nakararami, kung kaya’t dapat maging masuri ang mambabasa at dapat maging malinaw at ispesipiko ang intensyon ng may akda. 


   Gabi-gabi, bago ako matulog, nakasanayan ko nang makinig sa mga kanta habang binabasa ang kanilang mga liriko. Madalas kong naitatanong sa sarili kung ano ba talaga ang nais iparating ng may akda at kung tama ba ang pagkakaintindi ko. Upang maintindihan pa lalo, itinuturing kong isang anyo ng sining ang panitikan, kung gayon ay hindi lang ito nagpapahayag, ngunit may kakayahan din itong magpadama, mapag-isa ang watak watak, at magpalaya. Bagamat isa itong maituturing na “mabigat” na papel para sa panitikan, ang panitikan ay isa sa mga pinakamakapangyarihang klase ng sining, marami itong nasasakop at nararating, maging mayaman o mahirap; at ang sining naman ay dapat laging may patutunguhan. Naniniwala akong ang bawat salita, bawat letra, bawat espasyo o karakter sa panitikan ay inilalagay nang may dahilan.


   Ang blog na ito ay naglalaman ng iba’t ibang akda na may kasamang ihip ng aking personalidad. Maaaring para sa iba ay hindi ganoong katingkad ang aking mga ideya, ngunit sinubukan kong gawing maayos upang gumana ang aking lumang pluma.


No comments:

Post a Comment